Home HOME BANNER STORY Naiulat na nasawi kay Bagyong Aghon, umakyat sa anim

Naiulat na nasawi kay Bagyong Aghon, umakyat sa anim

MANILA, Philippines – Umakyat na sa anim na indibidwal ang naiulat na namatay matapos ang pananalasa ng Bagyong Aghon, ani Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Edgar Posadas ngayong Martes, May 28.

Ayon sa OCD, sa nasabing bilang, isa pa lamang ang kumpirmadong nasawi habang ang limang iba pa ay biniberipika pa.

“Yung isa pong naitalang namatay sa Region 10 ay kinumpirma na po nila at naireport na po ito sa atin. Ito po ay isang 14-year-old na babae. At siya po ay from Misamis Oriental at ito ay due to multiple physical injury po dahil nabagsakan siya ng collapsed na puno,” ani Posadas sa isang ulat.

Samantala, walong katao ang naiulat na sugatan sa Bicol at Northern Mindanao, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ang apektadong populasyon ay 36,143 at karamihan sa kanila ay naiulat sa CALABARZON na may 19,180 at Bicol na may 10,349.

Ang mga evacuation centers ay kumupkop sa 16,426 katao o 4,076 pamilya, karamihan sa mga ito ay nasa CALABARZON na may 16,024. Samantala, 5,614 katao o 1,245 ang nananatili sa ibang lugar.

Hindi bababa sa 22 bahay sa Eastern Visayas ang nasira.

Sa 97 lungsod at munisipalidad na apektado ng pagkawala ng kuryente, 61 ang nakabalik na ng kanilang suplay. Naibalik na ang suplay ng tubig sa dalawang apektadong lugar. Bumalik din ang mga linya ng komunikasyon sa dalawa sa apat na apektadong lugar.

Isinailalim na sa state of calamity ang Lucena City sa Quezon dahil sa epekto ng Aghon, ayon kay Posadas. Posible ring magdeklara ng state of calamity sa lalong madaling panahon ang dalawang distrito ng Quezon. RNT