Home HOME BANNER STORY Napolcom buong suporta kay acting PNP chief Nartatez

Napolcom buong suporta kay acting PNP chief Nartatez

289
0

MANILA, Philippines – Ang National Police Commission (Napolcom) ay nagpahayag ng buong suporta para sa bagong itinalagang acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Huwebes. 

Pinasalamatan ni Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Vicente Calinisan si Nartatez sa naunang pagpapahayag ng layunin na ipatupad ang resolusyon ng katawan na binabaligtad ang reassignment ng mga matataas na opisyal na iniutos ng noo’y PNP chief Torre.

“Buo po ang suporta ng National Police Commission sa inyo. Nandito po kami para mag-succeed po kayo at we’re very happy na kayo po ang niluklok ng pangulo sa Philippine National Police,” aniya.

Nauna nang inamin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ang pagbalewala ni Torre sa utos ng Napolcom ay isa sa mga dahilan ng kanyang pagkatanggal sa pwesto.

Tinitimbang din ni Calinisan ang isyu kung sino ngayon ang hahawak sa four-star rank kasunod ng relief ni Torre. 

Bagama’t tinanggal na si Torre bilang PNP chief, nananatili pa rin itong aktibo sa serbisyo ng pulisya at patuloy na humahawak sa four-star rank, na dapat lamang ibigay sa isang pulis.

Sa tradisyon ng PNP, ang PNP chief ang may hawak ng four-star rank na may titulong police general.

“Hangga’t may four-star pa pong nakaupo, hindi po makukuha (ni General Nartatez) ‘yong four-star na nararapat bilang chief PNP,” saad ni Calinisan.

Kasalukuyang hawak ni Nartatez ang ranggong police lieutenant general na may tatlong bituin. Tumatanggap din siya ng suweldo ng isang three-star general sa kabila ng pagsisilbi bilang acting PNP chief.

Maglalabas naman ng resolusyon ang Napolcom para pagtibayin ang acting capacity ni Nartatez, ayon kay Calinisan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here