MANILA, Philippines – Hinatulan ng Sandiganbayan Sixth Division na guilty sina negosyanteng Janet Lim-Napoles at dating Department of Agrarian Reform (DAR) Undersecretary Jerry Pacturan sa kasong may kaugnayan sa maling paggamit ng P50 milyon na pondo ng gobyerno na inilaan para sa mga proyektong pang-agrikultura sa Luzon.
Sa promulgasyon ng desisyon nitong Biyernes, Hulyo 24, sinabi ni Associate Justice Sarah Jane Fernandez na napatunayang nagkasala sina Napoles at Pacturan sa 10 counts ng malversation of public funds through falsification of public documents.
Bukod dito, hinatulan din si Napoles ng 10 counts ng graft, habang napawalang-sala si Pacturan sa naturang kaso.
Ipinataw kay Napoles ang parusang hanggang 20 taong pagkakakulong sa bawat counts ng malversation at hanggang 15 taon sa bawat counts ng graft.
Samantala, hinatulan si Pacturan ng hanggang 19 taong pagkakakulong sa bawat isa sa 10 counts ng malversation.
Inatasan din ng korte ang dalawa na isauli sa pambansang pamahalaan ang P50 milyon.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Office of the Ombudsman noong 2022 kaugnay ng pondong inilaan sa ilalim ng 2011 budget ng DAR para sa farm input assistance ng 10 local government units (LGUs) sa Luzon.
Sa halip na mapunta sa mga LGU, umano’y inilipat ang pondo sa 10 non-government organizations (NGOs) na pinamamahalaan ni Napoles para sa mga proyektong kalauna’y napatunayang hindi naman naipatupad.
Ayon sa Sandiganbayan, pinayagan ni Pacturan, sa pamamagitan ng kapabayaan, na mailabas ang pondo ng DAR sa mga NGO ni Napoles at lumagda pa umano sa mga memorandum of agreement kahit wala siyang awtoridad at sa kabila ng mga iregularidad sa mga dokumento.
Napatunayang si Napoles naman ang nag-utos sa kanyang mga tauhan na gumawa ng pekeng liham ng kahilingan mula sa mga alkalde at pekehin ang kanilang mga lagda, kabilang ang mga notaryo sa mga kasunduan.
Nahatulan din si Evelyn de Leon, isa sa mga tauhan ni Napoles, ng tigtatlong counts ng graft at malversation, ngunit napawalang-sala sa pitong iba pang counts dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Samantala, ibinasura na ng korte ang mga kaso laban kina Simplicio Gumafelix at Eulogio Rodriguez dahil kapwa na silang namayapa, habang nananatiling pinaghahanap sina Rowena Agbayani, Ronald John Lim Jr., at John Raymund de Asis.
Batay sa ebidensya ng prosekusyon, walong alkalde mula sa iba’t ibang lalawigan, kabilang ang Bulacan, Batangas, Pangasinan at Quezon, ang tumestigo na peke ang kanilang mga lagda sa mga liham na humihiling ng pondo at iginiit na walang naisagawang proyekto sa kanilang mga nasasakupan. RNT/JGC