MANILA, Philippines – Isang House Resolution ang inihain sa Kamara ni Marikina Rep at House Committee on Ways and Means Chairman Rep. Miro Quimbo na humihiling na magsagawa ng imbestigasyon sa nasabat na P2.6 billion na smuggled cigarettes.
Ayon kay Quimbo, dapat imbestigahan ang tumataas na kaso ng large-scale tobacco smuggling lalo at malaki ang epekto nito sa public health at sa government revenues.
“The recent seizure confirms that organized cigarette smuggling remains a serious national problem that requires urgent action,” ani Quimbo.
Noong Enero 1, 2026 ay nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa magkahiwalay na operasyon sa Batangas at Malabon ang 32 trucks ng smuggled cigarettes.
Ani Quimbo, nasa P875 million ang tax revenue na mawawala sa gobyerno kapag napuslit ang nasabing smuggled goods.
“Kung hindi napipigilan ang malakihang smuggling, bumabagsak ang presyo ng sigarilyo. And the stark price gap between legal and smuggled cigarettes waters down the effect of sin taxes and other health reforms we have so far achieved. At sa patuloy na smuggling ng sigarilyo, mas nagiging accessible ang bisyo sa kabataan at mahihirap nating kababayan. Patuloy din nawawalan ng pondo ang gobyerno para sa mga health programs, lalo ng Philhealth,” paliwanag ni Quimbo.
Sa datos ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 2023, lumilitaw na nasa P25.5 billion na excise tax ang nawala sa gobyerno dahil sa illegal na tobacco trade.
Ipinaliwanag ni Quimbo na mahalaga ang gagawing investigation in aid of legislation dahil marerebyu at mapapalakas ang kasalukuyang sistema gayundin ay maaaring itaas pa ang parusa sa mga mapapatunayang nasa likod ng large-scale illicit tobacco trade.
“While our law enforcement agencies have been vigilant on this case, the magnitude of the issue demonstrates the need for systemic reforms” pagtatapos pa ni Quimbo. Gail Mendoza