MANILA, Philippines – Nagtungo si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa Navotas Sanitary Landfill na ilang araw ng nasusunog para inspeksyunin at alamin ang maaari pang maitulong upang tuluyan nang masugpo ang nagaganap na sunog sa landfill site.
Aminado ang kalihim at ang Navotas LGU na wala pa silang maibigay na takdang araw kung kailan matatapos ang problema pero patuloy silang gumagawa ng paraan para masolusyunan ito.
Nabatid kasi na ang methane gas mula sa naturang landfill ang nagiging dahilan ng sunog at hindi ang mga basura kaya natatagalan ang pag-apula.
Bunsod nito, apektado na ang maraming komunidad kabilang na ang Navotas, Malabon, at Obando, Bulacan.
Ayon kay Dizon, nagpadala na sila ng mga heavy equipment tulad ng backhoe, bulldozer, at dredger kasunod ng utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na siguruhing makapagbigay ng kinakailangang suporta ang DPWH sa lokal na pamahalaan ng Navotas. Jocelyn Tabangcura-Domenden