Home OPINION NATATANGING MANGGAGAWA PINARANGALAN NG  “THE OUTSTANDING WORKERS OF THE REPUBLIC AWARDS”

NATATANGING MANGGAGAWA PINARANGALAN NG  “THE OUTSTANDING WORKERS OF THE REPUBLIC AWARDS”

Nakipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa People Management Association of the Phi­lippines (PMAP) at Rotary Club of Manila (RCM) upang para­ngalan ang mga natatanging manggagawa sa Araw ng Paggawa. Ang hakbang na ito ay alinsunod sa hangarin ng pamahalaan na bigyang-halaga ang kontribusyon ng mga manggagawa sa pagpapasigla at paglago ng ekonomiya.

Pinangunahan nina DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma, RCM President Rafael M. Alunan III, at PMAP President Michael M. Godinez ang pagbibigay-parangal sa “The Outstan­ding Workers of the Republic” (TOWER) Awards, kasama ang mga kinatawan mula sa RCM at PMAP.

Pinarangalan ng TOWER Awards sina Armante Sabacajan (FCF Minerals Corporation), Jose Rivera (ON Semiconductor SSMP Philippines Corporation), at Raymond Dimitui (PTT Phi­lippines Corporation) para sa individual category.

Samantala, ginawaran para sa team category sina James Zabala and Robert Jay Pujed (Franklin Baker, Inc.); Jessthony Nuyda, Justin Ingal, Verna Bea Atienza, Joy Clariss Miraya, at Ednalyn Lanceta (Yazaki-Torres Manufacturing, Inc.); at Luis Macasio Jr., April dela Cruz, and Fenny Cruz (ON Semiconductor SSMP Philippines Corporation).

Ang TOWER Awards, na nagsimula noong 1975, ay isang pag­kilala sa mga natatanging manggagawa ng bansa para sa kani­lang mahalagang inobasyon at kontribusyon para sa pagpapahusay ng kanilang trabaho sa kanilang lugar-paggawa.

Ipinaabot nina Secretary Laguesma at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang kanilang taos-pusong pagbati sa mga tumanggap ng parangal at kanilang mga pamilya.

“Ang inyong pagsusumikap at kontribusyon sa ating lakas-paggawa at sa pag-unlad ng ating bansa ay nagbibigay-inspirasyon sa ating lahat na doblehin ang ating mga pagsisikap upang maisakatuparan ang ating mga sama-samang layunin,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.