Inaasahan na mapapabilis na ang palitan ng mahahalagang impormasyon sa lahat ng nagpapatupad ng batas.
Ito ay matapos lumagda sa memorandum of agreement (MOA) ang Department of Justice (DOJ) Supreme Court (SC) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa National Justice Information Systems (NJIS).
Kabilang sa mga lumagda ay sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Chief Justice Alexander Gesmundo at Interior Secretary Benhur Abalos.
Sinabi ni Remulla na maituturing ito na makasaysayan dahil mapapadali na ang palitan ng impormasyon para maging epektibo ang justice system.
“It’s about time that this data sharing, information sharing, happened for a system of justice that the people of the Philippines deserve,” ani Remulla.
Layunin ng NJIS na mapadali ang pangangasiwa at palitan ng mga mahahalagang impormasyon sa mga law enforcement at justice sector agencies.
Sa pamamagitan ng kasunduan, maibabahagi ng tatlong ahensya ang mga datos sa pamamagitan ng iisang portal na NJIS Data Exchange Platform.
“That is the only proper way to treat our justice system to make sure that we punish people correctly and not make them suffer a day longer in jail and that’s one of the things that we wanted to happen with NJIS,” dagdag ni Remulla.
Sinabi naman ni Gesmundo, maibabahagi ng SC ang mga data gaya ng public court records, court dockets at schedules, warrants, subpoenas at iba pang court orders. TERESA TAVARES