MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding paniniwala si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi sapat ang simpleng pagpapalit ng mga lider o pagbabago ng alyansang pampulitika upang maresolba ang malalalim na suliranin ng Pilipinas.
Sa pakikipagpulong sa kanyang mga staff sa isang fellowship lunch at workshop nitong June 19, 2026, sinabi ni Cayetano na ang tunay at pangmatagalang pagbabago ay nakaugat sa katotohanan, pananagutan, at pagsisisi.
“There’s not going to be a revival in the Philippines if we think walang masamang nangyayari,” wika niya.
Ayon sa senador, maraming Pilipino ang naniniwalang sapat na ang political change upang maayos ang mga problema ng bansa. Ngunit babala niya, kung hindi mababago ang kultura ng katiwalian, mauuwi lamang ito sa pag-uulit ng parehong siklo.
Binigyang diin niya na kahit ang 1986 EDSA People Power Revolution ay patunay na hindi sapat ang pagpapalit ng mga lider para tuluyang mabago ang isang bansa.
“The problem was, when we removed the people, did we remove the spirits of corruption? The spirit of idolatry? The spirit of immorality?” wika niya.
Para kay Cayetano, nagsisimula ang tunay na pagbangon ng isang bansa sa pagkilala sa mga problema at hindi sa pagwawalang-bahala o pagtanggap na lamang sa mga ito bilang normal.
“You have to start with the truth. You have to start with repentance,” wika niya.
Aniya, mahalaga rin ang prinsipyong ito sa pamamahala at sa paglaban sa korapsyon at iba pang umano’y mga anomalya sa gobyerno.
Sinabi pa ni Cayetano na ang mga problemang kinahaharap sa healthcare, edukasyon, at tumataas na gastusin sa pamumuhay ay nagpapakita ng pangangailangan para sa mas malalim na reporma.
Dagdag niya, ang malaking hamon ay kung paano makabubuo ng isang bansang pinangungunahan ng katotohanan, pananagutan at integridad.
“The war is really for the kind of Philippines we want,” aniya. “Kung kayo’y nagdadasal for a new Philippines, a renewed Philippines, kayo’y nagdadasal din for revival,” wika niya.
Sa kabila ng mga pagsubok at kabiguan, hinikayat ni Cayetano ang mga Pilipino na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na magsikap para sa pangmatagalang pagbabago.
“Let’s not only do more or work harder, let’s work more intelligently,” aniya.
Kasabay nito, Nanindigan naman ni Cayeetano na kanilang ipagpapatuloy ang pagsusulong ng nation-building at reporma laban sa katiwalian kahit lumipat sila sa minority matapos ang pagbabago ng liderato sa Senado.
Sa isang Facebook Live nitong June 18, dinepensahan ni Cayetano ang naging trabaho ng kanilang hanay noong siya pa ang Senate President, kasabay ng pagtanggi sa mga paratang na hindi sila naging aktibo o epektibo.
“Y’ung sinasabi nilang hindi nagtrabaho, walang katotohanan [iyon], panay kasinungalingan. Never naman tayo tumigil sa pagtatrabaho. Ang kwestyon, ano’ng trinatrabaho natin? [Iyon ay] nation building,” ayon kay Cayetano.
Sinabi ng minority leader na ang pagbabago sa liderato ng Senado ay bahagi ng mas malawak na issue sa pamamahala, lalo na sa paglaban sa korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno, na aniya ay malaki ang epekto sa ekonomiya ng bansa.
“Our economy is suffering, we have to recover. Iyong flood control scandal, iyon siguro ang pinakamalaki [na corruption]. Pero napakarami pa na systematic corruption na hindi na pag-uusapan,” sabi ni Cayetano.
Idinagdag niya na pareho man ang layunin ng dalawang kampo sa Senado, nagkakaiba sila sa paraan at prayoridad ng pagpapatupad nito.
“Don’t take it away from us. Y’ung amin pong grupo, want to build a nation. Good faith tayo. Meron kayong vision of a nation you want to build. Meron kaming vision nung gusto natin i-build,” aniya.
Binigyang diin din niya na ang nation-building ay dapat nakaugat sa matibay na institusyon na nakabatay sa batas at pananagutan.
“Saan natin [pwedeng] umpisahan y’ung nation building? Sa pundasyon [at] rule of law. ‘Di ba? Regime of justice and truth,” sabi niya.
Nanawagan si Cayetano sa publiko na manatiling nakatutok sa gobyerno sa gitna ng mga tensyon sa pulitika at mga alegasyon ng korapsyon.
“It’s time for real change. Mga kababayan, huwag po tayong susuko. Let’s all do our best and let’s keep praying … let us build this nation that we love and let us serve the God that we love,” sabi ni Cayetano. Ernie Reyes