Home METRO Nawawalang kolektor sa Leyte, natagpuang patay; suspek, sumuko

Nawawalang kolektor sa Leyte, natagpuang patay; suspek, sumuko

1
0

LEYTE, Philippines – Natagpuang patay ang isang 21-anyos na babae na nawawala mula pa noong Agosto 3 sa isang bulubunduking lugar sa Isabel, Leyte, matapos umanong sumuko sa pulisya ang isang habal-habal driver at umaming siya ang pumatay sa biktima.

Ang biktima ay si Rina Jane Brigildo, kolektor ng CARD (Center for Agriculture and Rural Development) Inc.-Isabel Branch at residente ng Isabel.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Paulo,” 20, isang habal-habal driver na may live-in partner. Siya ay nasa kustodiya na ng pulisya.

Ayon sa Isabel Municipal Police Station, kusang-loob na nagtungo ang suspek sa himpilan bandang 3:30 p.m. noong Agosto 9 at umamin sa pagkawala ng biktima.

Dinala niya ang mga pulis sa Sitio Ilaya, Barangay Matlang, kung saan niya umano ginawa ang krimen at iniwan ang bangkay ni Brigildo.

Natagpuan ang biktima na nakadapa at nasa advanced stage of decomposition.

Sa paunang imbestigasyon, sinabi ng pulisya na nilinlang umano ng suspek ang biktima at sinabing sasamahan siya upang maningil sa isang diumano’y umutang at magbayad ng kanyang buwanang hulog sa CARD.

Magkasama silang bumiyahe sakay ng motorsiklo at naglakad papunta sa umano’y bahay ng may utang sa bulubunduking bahagi ng Sitio Ilaya.

Habang naglalakad, naging kahina-hinala umano ang kilos ng suspek, na nauwi sa pagtatalo. Dito umano sinakal ng suspek ang biktima hanggang sa mamatay.

Iniwan umano ng suspek ang bangkay sa lugar hanggang sa dalhin niya roon ang mga pulis noong Linggo.

Inimbestigahan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang lugar at nangalap ng posibleng ebidensiya.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at iba pang detalye ng krimen, at inaasahang haharap ang suspek sa kaukulang kaso. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here