MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Senator-judge Raffy Tulfo ang pamamahala ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtugon sa pagbabanta ni Vice President Sara Duterte kumpara sa bantang pagpatay ng isang guro kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaaresto kaagad.
Sa kanyang manipestasyon sa pagtestigo ni NBI Director Atty. Melvin Matibag sa pagpapatuloy ng impeachment trial, sinabi ni Tulfo na tila magkaiba ang treatment ng NBI sa pagbabanta ngayon ni VP Sara kumpara sa pagbabanta ni Ronnel Mas, isang public school teacher na dinakip kaagad sa nakaraang administrasyon.
Ayon kay Tulfo, inaresto kaagad si Mas nang walang warrant of arrest na naghahandog ng reward sa sinuman makakapatay sa dating Pangulo.
Kaya’t tinanong ng senator-judge si Matibag kung ano ang pagkakaiba ng kaso ni Mas kumpara sa grave threat na pagpatay ni Sara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“So does that mean the NBI gives special treatment? Does that mean the NBI is not treating everyone equally?” ayon kay Tulfo matapos iminungkahi ni Matibag ang isang pagkakaiba, na si Mas ay pawang guro samantalang si Duterte ang bise presidente.
Binanggit din ni Tulfo ang pahayag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na nanawagan sa pagpugot sa ulo ni Marcos kung ikonokonsidera itong banta kumpara sa pahayag ni Mas at kung bakit hindi inaresto ang alkalde sa kabila ng assessment ng ahensiya.
“The NBI treated the remark as a threat against the President that also posed a threat to national security, adding that it formed part of the bureau’s continuing threat assessment,” ayon kay Matibag.
Kaya’t kinuwestiyon muli ni Tulfo si Matibag kung bakit hindi inaresto si Mayor Duterte tulad nang ginawa kay Mas.
Ayon kay Matibag, nag-iingat ang ahensiya sa pagdakip nang walang warrant dahil nadismis din ang kaso ni Mas. Sa halip, ayon kay Matibag, minabuti ng NBI na isama ang pananalita ni Mayor Duterte sa case build-up na maaaring magamit sa paghahain ng kaukulang kaso.
Sinabi pa ni Matibag na hindi rin nito maipaliwanag ang pagkilos ng NBI sa panahon nang inarestso si Mas dahil hindi pa siya ang hepe ng ahensiya nang mangyari ang Insidente.
“However, that based on my discussions with our foreign counterparts, a vice president who made a similar threat in some jurisdictions could be immediately jailed and removed from office,” ani Matibag. Ernie Reyes