MANILA, Philippines – Hindi dapat ikonsidera bilang costume ang mga traditional attire ng indigenous people dahil bahagi ito ng mahalagang kustumbre, sinabi ng National Commission on Indigenous Peoples nitong Biyernes, Oktubre 4.
“Mayroon po tayong sinasabi na mga kasuotan na hindi po maaring gamitin sa makabagong mundo, na napakasagrado po at tuwing may ritwal lang po ginagamit,” pagbabahagi ni NCIP chairperson Jennifer Sibug-las sa isang panayam.
Nagpaalala rin ang NCIP na ang IP attire ay hindi dapat isuot sa mga okasyon gaya ng Halloween.
“Ayaw rin po natin na magamit din po sa halloween. This is not a costume, it’s really a traditional attire,” dagdag pa ng komisyon.
Bagamat wala namang batas na nagpaparusa sa paggamit ng traditional attire, nagpasa na ng kani-kanilang ordinansa laban dito ang ilang lokal na pamahalaan.
Halimbawa ay sa Davao City kung saan ay nagpasa ito ng ordinansa noong 2018 na nag-oobliga ng konsultasyon at orientation ng tribal elders sa tamang paggamit ng tribal attire sa mga event gaya ng parada at public gathering.
Umaasa naman ang NCIP na mas magkakaroon pa ng sapat na kaalaman ang publiko sa indigenous culture na maisama rin sa school curriculum.
“Kaakibat yung ating mga ahensya na tulungan na magkaroon talaga ng matibay na pagsulong ng indigenous studies pagdating sa curriculum para mas taasan ang kamalayan, kamulatan, at kaalaman ng publiko patungkol sa ating mga kapwa katutubo,” ani Sibug-las. RNT/JGC