MANILA, Philippines – NASA kritikal na kalagayan ang 59-anyos na negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa Malabon City.
Inoobserbahan ang biktimang si alyas “Boy Brocha”, residente ng Rosal St. Panghulo, Obando, Bulacan sa Valenzuela Medical Center sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa kaliwang pisngi, ibabang bahagi ng tenga, likod at kaliwang hita.
Sa ulat na ipinadala ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad sa Megadike sa Brgy. Dampalit ang biktima dakong alas-3:15 ng Linggo ng hapon nang bumaba ang mga suspek sa kanilang sinasakyang pulang motorsiklo.
Kaagad naglabas ng baril ang mga suspek at pinagbabaril ang negosyante na sa kabila ng mga tinamong mga tama ng bala, nagawa pang makatalon sa ilog ang biktima.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo habang isinugod naman ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 7 ang biktima sa nasabing pagamutan.
Patuloy ang follow-up operation ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang pa inaalam pa ang motibo sa pamamaril sa biktima. Rene Manahan