NUEVA VIZCAYA — Tinatayang P10 milyon halaga ng cash at alahas ang natangay mula sa isang 68-anyos na negosyante matapos umano siyang mabiktima ng “budol” sa Bambang.
Batay sa ulat, namimili ang biktima sa isang supermarket sa Barangay Calaocan nang lapitan ng isang babae na nagpakilalang galing sa Estados Unidos at nagpahayag ng interes sa lupang ibinebenta niya.
Kalaunan ay sinamahan umano siya ng suspek at isa pang babae upang tingnan ang naturang property sa Barangay San Antonio North.
Ayon sa pulisya, nagpakita umano ang isa sa mga suspek ng P100,000 at hinikayat ang biktima na maglabas din ng kaparehong halaga, pati mga alahas, kapalit umano ng karagdagang pera.
Sinabi ng biktima na tila nasa ilalim siya ng impluwensiya ng mga suspek kaya sumunod siya at kumuha ng cash at alahas mula sa kanyang bahay.
Ipinalagay umano sa isang pouch ang mga pera at alahas bago ito nilagyan ng padlock. Pinagbawalan pa umano siyang buksan ito agad dahil sa sinasabing “feng shui.”
Pag-uwi ng biktima at pagbukas sa pouch, mga nakatiklop na potholder na lamang umano ang laman nito.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya upang matukoy at maaresto ang mga suspek. Mary Anne Sapico