Home HOME BANNER STORY NFA: De-kalidad na bigas ibebenta sa ‘Bigas29’ program

NFA: De-kalidad na bigas ibebenta sa ‘Bigas29’ program

MANILA, Philippines- Inihayag ng National Food Authority nitong Biyernes na ang ibebentang stock ng bigas sa”Bigas29″ program ng pamahalaan ay magandang klase.

Ang “Bigas29” ay programa ng Department of Agriculture kung saan magbebenta ng “aging but good” na bigas sa presyong P29 kada kilo sa vulnerable sectors tulad ng seniors, solo parents, PWDs, at indigenous groups. 

Matatandaang kinuwestiyon ang kalidad ng palumang bigas, subalit sinabi ng mga benepisyaryong bumili ng bigas sa trial dry-run ng programa na maganda naman ito.

 “Regularly, chinecheck namin ang quality ng mga stock namin. Kapag alam namin sa evaluation namin, hindi ganon kaganda, although pwede pa rin based sa parameters, gumagawa kami ng paraan para mapaigi pa, nirereprocess namin, pinopolish namin bago ilabas sa Kadiwa sa outlet under the B29,” pahayag ni Larry Lacson, administrator ng National Food Authority.

 “Yung walang madilaw, I don’t think maassure ko yun kasi wala kami color sorter. Hindi po natin matatanggal yun sa NFA but ang quality in terms of eating and appearance ay acceptable,” dagdag ng opisyal.

Inihayag ni Lacson na 9,750 metric tons ng palumang bigas mula sa buffer stock ng NFA ang ibebenta sa inisyal na implementasyon ng programa.

Giit niya, ang Department of Agriculture ang dapat magtiyak ng “sustainability” ng programa.

“At P29 , malaki na ang lugi ng NFA dyan, we just want to participate in this project of the government na mabigyan natin ng option ang mga vulnerable sector na makabili ng medyo mas mura,” wika ni Lacson.

“Ang stocks naman natin, as day by day, nag-age yan. Whatever it is na mag-age by that time, pwede naming ibigay, ibenta sa DA, para sa Kadiwa,” dagdag niya.

Inaasahan ang full implementation ng programa sa Hulyo. RNT/SA