Home NATIONWIDE NFA rice disposition mula 2019 pinabubusisi ng DA

NFA rice disposition mula 2019 pinabubusisi ng DA

MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng Department of Agriculture (DA) ang pag- audit sa National Food Authority (NFA) rice disposition simula pa noong 2019, taon kung kailan naipasa ang Rice Tariffication Law (RTL).

Tugon ito sa naging atas ni Albay Rep. Joey Salceda sa NFA at maging ang Commission on Audit (COA) na i-audit ang P152 bilyon ng ahensya mula 2018 hanggang 2022.

“The NFA is supposed to have received a total of P85.7 billion in national government subsidies and another P66.3 billion in sales of rice stocks from 2018 to 2022. That totals to P152 billion from those five years alone,” ayon kay Salceda.

Gayunman, walang makasagot sa tanong ni Salceda kung paano nagamit ang perang ito kaya inatasan nito ang NFA at COA na magsumite ng mga kaukulang dokumento upang malaman kung saan napunta ang halagang ito.

“That is additive. Even with a loss incurred of P20 billion – or the difference between the direct cost of rice and the sale of rice – that’s still P132 billion to account for,” ayon pa sa mambabatas.

Ayon kay Salceda, hindi lamang ang NFA officials ang dapat panagutin sa rice scam kundi maging ang mga negosyanteng napaboran sa murang bigas na ibinenta sa kanila dahil sila ang kumita. Kris Jose