MANILA, Philippines – Inanunsyo ng operator ng North Luzon Expressway (NLEX) na handa sila sa inaasahang pagdami ng mga sasakyan ngayong Holy Week habang maraming Pilipino ang uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Ayon kay NLEX Corporation assistant vice president for traffic operations Robin Ignacio, nag-deploy na sila ng dagdag na tauhan upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko. Sa ngayon, aniya, maayos pa ang daloy ng mga sasakyan at wala pang matinding pagdagsa.
Wala ring road closure o roadworks sa NLEX at nananatiling bukas ang lahat ng linya hanggang April 6, Easter Monday.
Gayunman, inaasahan ng NLEX na posibleng tumaas ang dami ng sasakyan simula Miyerkules, kung kailan nagsisimula ang pag-uwi ng maraming motorista. Posible ring magpatupad ng counterflow kung kinakailangan upang mapagaan ang daloy ng trapiko.
Inaasahan ang pagbigat ng trapiko sa Balintawak, Mindanao Avenue, Karuhatan, at sa SCTEX toll plaza.
Naglagay na rin ang NLEX ng karagdagang toll collection points at porta booths para mapabilis ang proseso sa mga toll plaza. May mga cash lane din para sa mga walang RFID.
Wala namang pagbabago sa toll rates, ngunit may umiiral na toll rebate program para sa ilang sasakyan tulad ng truck, bus, at modernized jeepney na may kumpletong requirements at RFID.
Ayon sa NLEX, ang rebate ay ibabalik sa RFID account ng kwalipikadong motorista kada Huwebes. RNT/MND