MANILA, Philippines – Nagpaliwanag ang Malakanyang sa pagpapatupad ng “no cellphone policy” sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng General Appropriations Act para sa 2026.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi lamang mga miyembro ng media, kundi lahat ng bisita, ang hiniling na magsurrender ng kanilang cellphone sa naturang aktibidad.
“Hindi lamang taga media kundi lahat ng guests ay hiniling na i-surrender nila ang kanilang mga cellphones habang pinapasinayaan ang paglagda ni Pangulong Marcos Jr sa GAA of 2026,” ayon kay Castro.
Naging mas maayos aniya ang programa dahil ang lahat ng inimbitahan ay nakatuon sa mismong paglagda ng Pangulo sa national budget.
“Mas naging maayos ang nasabing programa dahil ang lahat ng naimbitahan ay focus sa isinagawang paglagda ng Pangulo,” aniya pa rin.
Binigyang-diin din pa rin ni Castro na naka-live stream ang buong seremonya at sabay-sabay itong napanood ng publiko, kaya wala umanong isyu pagdating sa transparency.
“Huwag natin kalimutan na ang nasabing event ay naka live stream at napanuod ng lahat ng sabay sabay kaya wala naman po magiging isyu tungkol sa transparency nito,” ang winika pa ni Castro.
Dagdag pa ng Palasyo, matapos ang paglagda ay nagkaroon naman ng press briefing kung saan sinagot ang lahat ng katanungan ng media.
“Sumunod niyan ay nagkaroon naman ng press briefing at ang lahat ng katanungan ng media ay sinagot naman,” ani Castro. (KRIS JOSE)