Home NATIONWIDE North-South Commuter Railway, tuloy na; Manila LGU, DOTr nagsagawa ng clearing operation

North-South Commuter Railway, tuloy na; Manila LGU, DOTr nagsagawa ng clearing operation

257
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng buong suporta si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa proyekto ng Department of Transportation (DOTr) dahil maraming mamamayan ng Maynila ang makikinabang dito, lalu na ang mga magtutungo sa bahagi ng Central Luzon at sa Clark sa Pampanga sa oras na matapos na ito.

“Lahat ng proyekto na makabubuti lalo na sa ating mga kababayan — the city government will support it 101%,” ayon kay Domagoso makaraang pangunahan nito kasama si (DOTr) Secretary Vince Dizon ang clearing operation sa Old Antipolo Road upang mabigyang daan ang pagpapatuloy ng konstruksiyon ng North-South Commuter Railway nitong Martes ng umaga sa Lungsod ng Maynila.

Magkatuwang na isinagawa ng pamahalaang lungsod at DOTr ang paggiba sa mga ilegal na istraktura, at mga bakal na harang sa bahagi ng naturang lansangan na nasa kanto ng Jose Abad Santos Avenue, pati na rin ang pagpapaalis sa mga nakaparadang sasakyan at installed vehicles.

Layon ng nasabing clearing operation na maiayos ang paglalatag ng mga plano para sa pagpapatuloy ng naturang proyekto mula Solis hanggang Blumentritt na dalawang taon ding naantala matapos harangin noong nakaraang administrasyon.

Tiniyak naman ni Sec. Dizon na walang dapat ikabahala ang ilang mga bahay, paaralan, simbahan, at iba pang establisimiyento sa naturang lugar dahil hindi na sila maaapektuhan sa oras na pinasimulan na ang naturang proyekto dahil napag-alaman na sa orihinal na plano ay tatapyasin ang halos kalahati ng mga kabahayan, maging paaralan at simbahan sa lugar dahil sa malapad na right of acquisition. Nabatid na naiba ang unang plano dahil na rin sa hiling ni Yorme.

Pinasalamatan naman ni Yorme si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. dahil matutuloy na rin ang proyekto gayundin si Sec. Dizon at sa DOTr dahil bukod sa hindi na apektado ang marami nilang kababayan, mapapalawak pa ang floodway sa naturang kalsada at maiiwasan ang pagbaha sa Blumentritt sa Sta Cruz hanggang sa Tondo.

Sinabi naman ni Sec. Dizon na sa oras na matapos ang proyekto, kanilang palalagyan na bike at walk lane ang lugar upang maging kaaya-aya ito na mapapasyalan ng mga residente.

Ibinahagi naman ni Yorme Isko na magiging one-way street na rin ang Old Antipolo Road matapos atasan nito si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje na pag-aralan kaagad kung patungo lamang Blumentritt o sa Tondo ang mga sasakyan para mabigyang daan ang mga kagamitan ng contractor ng DOTr sa pagsisimula ng commuter railway.

Sa isang ambush interview hinggil sa proyekto ng DOTr patungkol sa pagtatayo ng PNR Blumentritt Station, ibinahagi ni Mayor Isko Moreno ang kasalukuyang kalagayan ng pumping station sa lugar.

“Halimbawa gumagana na ‘yung Estero De Sunog Apog pumping station, mapu-pull up lahat ‘yung tubig dito sa gilid ng project, and through the development of the project, lalaki ngayon ‘yung aming kanal,” ani Domagoso.

Ipinapakita nito ang positibong epekto ng proyekto sa pagpapabuti ng drainage system, na inaasahang makatutulong upang masiguro ang maayos na pagdaloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha sa lugar.

Samantala, nilinaw ni DOTr Secretary Vince Dizon na ang isa sa mga pangunahing isyung tinututukan nila ay ang pagpapabuti ng flood control lalo na kapag natapos na ang proyekto.

“Nakita naman natin na kapag mali ‘yung construction at hindi coordinated sa city, nagkakaproblema sa baha,” ani ni Secretary Dizon, na naglalarawan ng naging mga hamon sa pagsasaayos ng mga proyekto sa lungsod.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng nasyonal at lokal na pamahalaan upang mapanatili ang maayos na sistema ng flood control sa Maynila, alinsunod sa direktiba ng City of Manila na hindi dapat pabayaan ang aspektong ito. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here