Home NATIONWIDE NTF-ELCAC, PA: Wala nang guerilla front

NTF-ELCAC, PA: Wala nang guerilla front

243
0

Manila, Philippines – Kinumpirma ng mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng Philippine Army ang matapang na pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang 2025 State of the Nation Address na wala nang natitirang grupong gerilya sa bansa.

“Sa wakas, wala na ring nalalabing grupong gerilya sa bansa, at titiyakin ng pamahalaan na wala nang mabubuo muli,” ayon sa Pangulo sa kanyang SONA.

Ginawa ang kumpirmasyong ito sa isang FAQcheck press conference na inorganisa ng NTF-ELCAC Media Bureau noong Lunes, kung saan ibinahagi ng mga opisyal na lahat ng 89 guerrilla front ng New People’s Army (NPA) ay opisyal nang nabuwag—isang makasaysayang tagumpay matapos ang mahigit limang dekadang laban ng bansa laban sa armadong kilusang komunista.

Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-Ala, ang mga guerrilla front ay dati’y organisadong politiko-militar na yunit ng NPA na may kakayahang magsagawa ng opensibang militar, makapagmobilisa ng masa, at makapagtatag ng mga shadow government sa mga liblib na barangay. Ngunit sa pagtatapos ng taong 2024, tuluyan nang nabuwag ang huling yunit—ang Komite Larangang Guerrilla 1 sa Rehiyon ng Bicol.

Ibinahagi ni Col. Dema-Ala na ang deklarasyon ay nakabatay sa limang pangunahing pamantayan:

Neutralisasyon o pagsuko ng armadong puwersa ng NPA

Pagguho ng kanilang politiko-militar na istraktura

Pagkawala ng suporta mula sa masa

Kawalan ng access sa kanilang mga dating pinagtataguan

Ganap na pagbabalik ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mga apektadong lugar

“Sa pagbagsak ng limang elementong ito, nawalan na ng kakayahang makapaglunsad ng operasyon ang NPA. Ang mga natitira na lamang ay maliliit na grupo—karaniwan ay mga squad na may di hihigit sa sampung katao—na kumikilos nang walang malinaw na direksyon, suporta, o teritoryo. Itinuturing na lang namin silang mga bandido, hindi na mga rebolusyonaryo,” ani Dema-Ala.

Binalikan rin niya ang panahong ang NPA ay may malawak na impluwensya at nagpapalakad ng “shadow government” sa mga lalawigan tulad ng Davao de Oro, Davao Oriental, at Davao del Norte. “Tapos na ang panahong iyon,” dagdag niya.

Ipinunto naman ni NTF-ELCAC Director Alexander Umpar na ang pagkakabuwag ng lahat ng guerrilla front ay hindi lamang bunga ng aksyong militar. “Naabot natin ito sa pamamagitan ng whole-of-nation approach sa ilalim ng Executive Order No. 70. Pinagsama natin ang operasyon ng militar at mga programang panlipunan—kabuhayan, imprastruktura, dayalogo para sa kapayapaan, at reintegrasyon.”

Kabilang sa mga programang ito ang Barangay Development Program (BDP) at mga lokal na inisyatibo sa kapayapaan na nagtulak sa muling pagbangon ng mga komunidad at pagsuko ng mga dating rebelde. “Kung saan dating iniwan ng estado ang mga tao, ngayon ay nariyan na tayo,” ani Umpar.

Gayunpaman, iginiit ni Umpar na nananatiling banta ang humigit-kumulang 785 na natitirang armadong miyembro ng NPA na may 780 armas, na kumikilos sa maliliit na hiwa-hiwalay na grupo. “Hindi na sila maituturing na guerrilla front, pero patuloy silang nagrerekrut—lalo na sa mga kabataan at mahihinang sektor,” babala niya.

Binigyang-diin rin ni Umpar ang banta ng mga international solidarity networks na patuloy na nagbibigay ng ideolohikal at materyal na suporta sa mga natitirang elemento ng kilusan. “Hindi lang armadong aktibidad ang dapat labanan, kundi pati ang ideolohikal na panlilinlang at dayuhang impluwensya.”

Sa pagtatapos ng press conference, nagbigay si Col. Dema-Ala ng panawagan:

“Nagsalita na ang Pangulo, at sinasang-ayunan ito ng Philippine Army—panahon na para tapusin ang laban. Ibalik ang mga armas. Nakaabang ang kapayapaan. Nabigo na ang rebolusyon. Panahon na para magkaisa at muling buuin ang ating bansa.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here