Home NATIONWIDE Nuclear energy, posibleng pag-usapan nina Marcos at Putin sa Russia visit

Nuclear energy, posibleng pag-usapan nina Marcos at Putin sa Russia visit

4
0

MANILA, Philippines — Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Russian President Vladimir Putin sa sidelines ng ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan sa Hunyo 17 hanggang 18, kung saan inaasahang magiging pangunahing paksa ang seguridad sa pagkain at enerhiya.

Posible ring mapag-usapan ang kooperasyon sa civilian nuclear energy.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Deputy Assistant Secretary for ASEAN Affairs at ASEAN 2026 spokesperson Dominic Xavier, layunin ng pagpupulong na palalimin ang ugnayan ng Pilipinas at Russia habang tinutugunan ang mga hamon sa suplay ng enerhiya. Bahagi rin ng usapan ang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa.

Sinabi ni Xavier na pinag-aaralan ng Pilipinas ang posibilidad ng pakikipagtulungan sa Russia kaugnay ng civilian nuclear energy bilang bahagi ng pagpapalawak ng pinagkukunan ng enerhiya ng bansa. Aniya, anumang pag-uusap hinggil dito ay para lamang sa mapayapa at sibilyang paggamit ng nuclear technology.

Ang pagpupulong ay kasunod ng mga hakbang ng administrasyong Marcos na maghanap ng alternatibong pinagkukunan ng enerhiya, kabilang ang Russia, upang mapanatili ang katatagan ng suplay ng langis at enerhiya sa bansa. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here