Home METRO Obrerong pwersahang pumasok sa bahay at nanutok ng baril, arestado

Obrerong pwersahang pumasok sa bahay at nanutok ng baril, arestado

MANILA, Philippines – ISINELDA ang 43-anyos na construction worker nang pasukin at tutukan ng baril ang may-ari ng bahay sa Navotas City.

Nahaharap sa mga kasong Trespass to Dwelling, Grave Threats, at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at B.P. 881 (Omnibus Election Code) ang suspek na si alyas “Randy”.

Sa pahayag sa pulisya ng 57-anyos na biktima, natutulog pa siya nang maalimpungatan sa ginawang ingay ng puwersahang pagpasok ng suspek sa loob ng kanyang bahay sa 438 Bausa St. Brgy. BBS kaya nagmadali siyang lumabas ng kanyang silid.

Laking gulat na lamang ng biktima nang tutukan siya ng baril ng suspek at binantaang papatayin kapag lumikha ng ingay kaya sa labis na takot ay mabilis na tumakbong palabas at humingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ni Navotas Police chief P/Col. Mario Cortes.

Kaagad namang rumesponde ang mga operatiba ng Navotas Police Sub-Station 3 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakuha sa kanya ang isang hindi lisensiyadong kalibre .9mm Armcor pistol na may pitong bala sa magazine.

Pinapurihan naman ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGEN. Josefino Ligan ang mabilis na aksiyon ng mga tauhan ni Col. Cortes laban sa suspek. Merly Duero