MANILA, Philippines – PINASALAMATAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Sultanate ng Oman para sa pagtulong sa ligtas na pagpapauwi sa 9 na Filipino seafarers matapos na mailigtas mula sa Houthi rebels.
Ang 9 na Filipino crew members ng MV Eternity C na lumubog sa baybayin ng Yemen ay dumating sa Oman, kung saan nila inayos ang kanilang travel documents bago pa tuluyang bumalik ng Pilipinas ngayong linggo, ayon sa sinabi ni Pangulong Marcos sa isang video message na naka-post sa kanyang social media accounts.
“Magpasalamat tayo sa lahat ng ginawa ng DFA, ng DMW, ng Philippine Embassy sa Oman at wag po nating kakalimutan na magpasalamat sa Omani government dahil sila talaga ay walang tigil na tumutulong sa atin,” ang sinabi ng Pangulo.
“Kaya’t pinapaabot ko ang pasasalamat ko sa Sultanate of Oman. Ang namumuno ay si Sultan Haitham bin Tariq at sila po ay talagang kaibigan po ng Pilipino at lahat ng maaring gawin para iligtas ang ating mga marino ay kanila ring ginawa, kaya naman ay nandito na tayo at nailigtas yung siyam,” aniya pa rin.
“The 9 Filipino seafarers are expected to arrive in the Philippines this week, just in time for Christmas,” ang winika ng Pangulo.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikidalamhati si Pangulong Marcos sa pamilya ni Neil Roy Faner, na nagtrabaho sakay ng MV Eternity C, subalit namatay bago pa sila nailigtas. (Kris Jose)