Home NATIONWIDE One-time submission ng birth certificate ng bata sa kabuuan ng K-12, aprub...

One-time submission ng birth certificate ng bata sa kabuuan ng K-12, aprub sa DepEd

MANILA, Philippines – Pinayagan ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang na isang beses na lamang magpasa ng birth certificate ng estudyante sa kabuuan ng pag-aaral sa K-12 upang mapadali ang enrollment process.

“We’ve heard from parents that enrollment problems often come from documentary requirements—especially when records are lost, delayed, or need to be reprocessed. This change saves families time and money. More importantly, it helps ensure that no child misses the first day of school just because of paperwork,” saad sa pahayag ni Education Secretary Sonny Angara nitong Sabado, Hunyo 14.

Sa ilalim ng revised guidelines, sinabi ng DepEd na ang mga magulang ay dapat magpasa ng original o certified true copy ng birth certificate ng mag-aaral na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Kung hindi maipapasa sa oras ng enrollment, maaari rin ang mga ito na magpasa ng secondary documents katulad ng National ID, persons with disability (PWD) ID, at Philhealth ID hanggang Oktubre 31.

Sa pagkakataong ito, dapat pa ring makapagbigay ng birth certificate kapag nagkaroon na nito.

Ang iba pang secondary documents na tinatanggap ay ang anumang government ID, Certificate of Live Birth, Marriage Certificate, Barangay Certification, Affidavit of undertaking na pirmado ng mga magulang, NSO/PSA issued Certificate of Foundling, at Baptismal Certificate.

Samantala, may special provision naman para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) at residente ng rehabilitation facilities na naka-enroll sa alternative learning system (ALS), na maaaring magpasa ng certificate o palatandaan ng kanilang pagkakakilanlan sa kanilang mga ALS teacher.

Ang enrollment ay maaaring masigawa in person o remotely, kung saan ang mga magulang ay maaaring irehistro ang kanilang mga estudyante in-person sa pagpasa ng Basic Education Enrollment Form (BEEF) at mga kaukulang dokumento sa paaralan.

Samantala, ang mga mag-aaral ay pinapayagan din na mag-enroll ng kani-kanilang sarili basta’t sila ay nasa hustong gulang, habang ang menor de edad ay dapat na mayroong enrollment form na pirmado ng kanilang mga magulang o legal guardian.

Kabilang naman sa remote enrollment ay ang pagpasa ng nakumpletong digital forms sa pamamagitan ng email ng paaralan o messaging platform, o pagpasa ng form sa designated boxes na matatagpuan sa mga paaralan, barangay hall at iba pang collection points.

Ang digital at printed copies ng form ay maaaring ma-access sa official website ng DepEd, Learner Information System (LIS) support page, schools, barangays, at iba pang itinalagang lokasyon.

Papayagan din ang late enrollees basta’t ang mga ito ay makapasok sa 80% ng bilang ng school days at makapasa sa quarterly requirements.

Kung hindi, magdedesisyon ang pinuno ng paaralan kung tatanggapin pa ang estudyante at mag-alok ng intervention para makahabol.

Sinabi rin ng ahensya na ang mga rekord ng estudyante ay dapat na maipasa sa pagitan ng dalawang paaralan.

Hindi rin pinapayagan ang pagkolekta ng voluntary fees sa early registration at enrollment period.

Ayon sa DepEd, ang bagong polisiya ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mabilis, maayos at inclusive na school registration, kasabay ng pag-aalis ng financial burden ng mga pamilya. RNT/JGC