SA gitna ng mainit na usapin hinggil sa malawakan at sistematikong korapsyon sa pamahalaan, may ipinagngingitngit ang online sellers matapos ipatupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang obligadong “Philippine Trustmark,” isang digital badge na umano’y magsisilbing tanda ng tiwala at pagsunod sa tamang pamantayan sa e-commerce.
Ayon sa DTI-E-Commerce Bureau, kinakailangang magbayad ng Php1,130 taon-taon ang bawat online seller upang makakuha ng Trustmark. Para ito sa Php 1,000 application o renewal fee, Php100.00 web administration fee, at Php30.00 documentary stamp tax. Isang taon lamang ang bisa ng Trustmark at kinakailangang i-renew bawat taon.
Maraming online seller ang umalma sa panibagong rekisito, dahil dagdag pasanin umano ito sa gitna ng sunod-sunod na bayarin at kaltas na ipinapataw ng mga e-commerce giants na Shopee at Lazada. Nito lamang September 3, 2025, sinimulan ng dalawang higanteng platform ang karagdagang Php5.00 order processing fee sa bawat matagumpay na transaksyon, bukod pa sa service fee, transaction fee, at 10 hanggang 12 percent value-added tax na awtomatikong napupunta sa Bureau of Internal Revenue.
Tinututulan din ng mga online seller ang pagmamadali ng DTI sa pagpapatupad ng Trustmark, kahit hindi pa handa ang sistema nito. Ilang araw na hindi ma-access ang website ng DTI dahil sa maintenance, habang nasa “pilot version” pa lamang ang Trustmark portal. Dahil dito, binaha ng reklamo ang social media accounts ng DTI at ni secretary Cristina Roque, na kalaunan ay napilitang i-off ang comments section.
Pinuntirya rin ng mga nagrereklamong seller ang personal na negosyo ng kalihim, ang clothing brand na Kamiseta na anila’y mas pinapaboran ng Trustmark requirement at tila kontra sa maliliit na online entrepreneurs.
Paliwanag ng DTI, nais nilang tiyakin sa mga mamimili na lehitimo, ligtas, at patas ang online sellers. Ngunit para sa marami, ito ay tila panibagong “taxation scheme” na nakadagdag sa gastos.
Ang Php 1,130 na taunang bayarin ay maaaring maliit para sa malalaking negosyo, pero mabigat para sa maliliit na seller na kumikita lamang ng ilang daang piso kada Linggo.
Dahil may mas matatag na pondo ang mga mall-based stores, mas kaya nilang bayaran ang Trustmark requirement.
Kaya ang pakiramdam ng maliliit na online seller, sila ay napapabayaan habang mas pinapaboran ang malalaki.
Panawagan ng mga online sellers na i-review muli ang polisiya, bigyan ng mas mahabang transition period, at kung maaari ay magkaroon ng libreng Trustmark para sa maliliit na sellers bilang suporta sa micro, small, and medium enterprises.






