Home HOME BANNER STORY Online ticketing ipatutupad sa pagtigil ng scalping, overbooking

Online ticketing ipatutupad sa pagtigil ng scalping, overbooking

115
0

MANILA, Philippines – Inatasan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang lahat ng domestic passenger ship operators na magpatupad ng shipping online ticketing system upang matigil ang matagal nang problema sa mga pantalan tulad ng ticket scalping at overbooking.

Sa ilalim ng Memorandum Circular DS No. 2026-01, kailangang gumamit ang mga shipping companies ng Ships E-ticketing Application System (SEAS) o katulad na platform bilang bahagi ng modernisasyon ng inter-island travel sa bansa.

Ayon sa MARINA, sa pamamagitan ng sistema, makakabibili na ng ticket online ang mga pasahero sa halip na pumila sa terminal. Magge-generate din ito ng digital passenger manifests bago ang biyahe.

“With SEAS, every Filipino passenger can finally travel with peace of mind. No more scalpers, no more long lines, and automatic passenger manifests mean faster response in emergencies—making sea travel safer, fairer, and more convenient for everyone,” pahayag ni MARINA Administrator Sonia B. Malaluan.

Layunin ng reporma na wakasan ang matagal nang reklamo ng publiko sa siksikan at magulong ticketing sa mga pantalan, pati na ang sobrang singil tuwing peak season at mga naiiwang pasahero dahil sa overbooking.

Ayon sa MARINA, makakatulong din ang centralized system sa pag-alis ng ilegal na bentahan ng ticket at sa pagpigil sa paglampas sa kapasidad ng mga barko.

Automated din ang discounts para sa senior citizens, students, PWDs, at Medal of Valor awardees, nang hindi na dumadaan sa manual processing.

Magiging real-time din ang passenger data para sa Philippine Coast Guard (PCG), na makakatulong sa mas mabilis na emergency response.

Sakop ng bagong patakaran ang lahat ng inter-island passenger vessels tulad ng roll-on/roll-off ships at fast craft, habang exempted ang maliliit na motorbanca at ilang non-passenger vessels.

Magkakaroon muna ng pilot testing sa piling pantalan sa ikalawang quarter ng taon bago ang phased full implementation sa loob ng dalawang taon.

Gayunman, hati ang reaksyon ng publiko. May ilan na pumuri sa hakbang, ngunit may iba na nag-alala sa posibleng dagdag na bayarin tulad ng online administration fee, na maaaring makaapekto sa mga low-income passengers.

Sa ngayon, wala pang pahayag ang MARINA kaugnay sa mga naturang reklamo. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here