Home NATIONWIDE Opulencia, 9 pa DPWH execs, tatalupan sa flood control probe – Bam

Opulencia, 9 pa DPWH execs, tatalupan sa flood control probe – Bam

329
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang talupan ng Senate blue ribbon committee ang ilang regional director  at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hinihinalang sangkot sa ghost projects sa flood control program ng ahensiya, ayon kay Senador Bam Aquino.

Sa panayam, sinabi ni Aquino na mahalagang sumailalim sa lifestyle check ang sinumang opisyal at tauhan ng gobyerno, partikular ang mga sangkot sa malawakang anomalya tulad ng flood control program.

“Siyempre mahalaga na lahat ng kawani ng gobyerno na pumasa sa lifestyle check  kaya pag-uusapan namin sa komite kung ipapatawag natin sila kapag natapos na ang kanilang imbestigasyon at mayroon na silang resulta,” ayon kay Aquino.

“Yes, may probability na ipatawag natin sila,” giit pa ni Aquino.

Tinutukoy ni Aquino ang partial result ng imbestigasyon ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon hinggil sa 10 regional officials ng DPWH na si NCR Regional Director Gerard Opulencia na pinadalhan ng show cause order hinggil sa anomalya sa flood control.

Bukod kay Opulencia, ipapatawag din ng Senado sina Danilo Villa ng Region VII, lawyer Brando Raya ng right-of-way acquisition and legal division sa Region VII. May show-cause order din sa pagkakasangkot sa substandard projects sina Gerald Pacanan, dating regional director ng Region IV-B; Isabelo Baleros, dating district engineer ng Las Piñas-Muntinlupa; Gil Lorenzo, La Union district engineer; first district engineers Almer Miranda ng Pampanga at Arturo Gonzales ng Quezon City, at Johnny Protesta, Quezon City second district engineer.

Kinuwestiyon din ni Dizon si Regional director Khadaffy Tanggol ng Cordillera Administrative Region sa nabigong makipagtulungan ito sa imbestigasyon sa anomalya.

Napabalita na natuklasan ang maluluhong pamumuhay ni Opulencia na maaaring maraming alam sa bilyon-bilyong anomalya sa flood control projects.

Lumitaw sa balita na sa panahon ng nabanggit na opisyal na naglabasan ang maanomalyang proyekto na ginamitan ng substandard na materyales at pininiwalaang ghost projects.

Dahil sa bigat ng paratang sa mga naturang opisyal, inilagay sila sa Immigration Lookout Order ng National Bureau of Investigation (NBI).

Naunang sinabi ni Dizon na sangkot ang nabanggit na opisyal sa iniimbestigahan ng ahensiya na iniulat ng ilang unit ng DPWH kaya binigyan sila ng show-cause order.

Binigyan sila ng limang araw na sumagot sa kautusan na magiging basehan kung papatawan sila ng kasong administratibo.

Bahagi ang lifestyle check ng DPWH sa top-to-bottom cleansing ng tauhan sa ahensiya na kapag may positibong resulta ang imbestigasyon, kakasuhan sila ng administratibo. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here