Home NATIONWIDE OSG: Quo warranto petition vs Alice Guo pinaplantsa na

OSG: Quo warranto petition vs Alice Guo pinaplantsa na

MANILA, Philippines- Sinabi ng Office of the Solicitor General na nangangalap ito ng ebidensya laban kay suspended Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac para sa quo warranto petition na ihahain sa kanya sa loob ng dalawang linggo o ngayong buwan, idinagdag na ang pagkakatuklas ng fingerprint na nagpapahiwatig na isa itong Chinese ay isang “breakthrough.”

Sa isang panayam nitong Lunes, sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na ang quo warranto petition ay eksklusibong kapangyarihan ng Solicitor General na tanggalin ang isang public official na natukoy nitong ilegal ang paghawak sa posisyon dahil sila ay hindi kwalipikado para rito.

Sa kaso ni Guo, marami ang nagsasabing hindi siya dapat pinayagang tumakbo para sa public position office dahil sa hindi kasiguraduhan ng kanyang nationality.

“Dahil nga sinasabi na hindi siya Filipino, so hindi siya Filipino ibig sabihin hindi siya pupuwedeng tumakbo o maghawak ng isang public office,” anang opisyal.

Inihayag ni Guevarra na binbantayan nila ang kaso ni Guo at pinag-aaralan ang quo warranto case laban sa kanya.

Itinuturing niyang isang “breakthrough” ang pagkakdiskubre sa fingerprints ni Alice Guo at Guo Hua Ping, isang Chinese national na pumasok sa Pilipinas noong 2003, na magkatulad.

“Mas matibay ngayon kumpara sa time na hindi pa lumalabas ‘yung ganyang ebidensiya,” giit ni Guevarra, tinutukoy ang pagkakadiskubre ng National Bureau of Investigation sa fingerprint¬† kaugnay ng nakaambang quo warranto case laban kay Guo.¬†

Sinabi pa ni Guevarra na naghahanda sila ng isa pang petisyon, na hindi niya idinetalye para sa “security reasons,” na ihahain ngayong linggo. RNT/SA