SOUTH COTABATO, Philippines – Natuklasan ng mga awtoridad ang tinaguriang “secret warehouse” ng mga smuggled na sigarilyo sa Barangay Labangal, General Santos City matapos ang anti-smuggling operation noong Hunyo 4.
Ayon kay Brig. Gen. Allan Manibog ng Police Regional Office 12, isinagawa ang operasyon bandang 4 p.m. matapos ang tip mula sa mga sibilyan, na humantong sa pagkatuklas ng 1,300 reams ng Fort cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.1 milyon.
Ang nasabing “warehouse” ay nakatago umano sa loob ng isang ordinaryong bahay na gawa sa light materials at bamboo walls.
Bukod dito, sa Banisilan, Cotabato, nakumpiska rin ang nasa ₱1.8 milyong halaga ng umano’y imported na sigarilyo sa hiwalay na operasyon.
Ayon sa pulisya, nadiskubre rin sa isang sasakyan ang 2,142 reams ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes matapos mapansin ang pagiging balisa ng mga sakay nito.
Patuloy ang kampanya ng mga awtoridad laban sa ilegal na bentahan at pagpupuslit ng mga produktong walang buwis sa rehiyon ng Soccsksargen. RNT/MND