CAMP OLIVAS, Pampanga – Nasamsam ng pulisya ang iligal na droga na tinatayang nasa P1.37 milyon ang street value at anim na indibidwal ang naaresto sa magkakasunod na drug sting operations sa Bulacan at Pampanga noong Miyerkules ng gabi at Huwebes ng umaga.
Sa isang pahayag, sinabi ni Police Regional Office (PRO) 3 (Central Luzon) Director, Brig. Gen. Jose S. Hidalgo Jr., bandang ala-1:09 ng madaling araw nitong Huwebes, naaresto ng mga operatiba ng Mabalacat City Police si alyas “Jun” sa isinagawang buy-bust sa Barangay Dau. Nakuha sa 42-anyos na suspek ang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng PHP102,000.
Sa Barangay Del Carmen, San Fernando City, nahuli ng mga pulis sina alyas “Den,” 50, at alyas “Nel,” 29, noong Miyerkules ng gabi. Nahulihan ang dalawa ng 80 gramo ng hinihinalang shabu na may karaniwang presyo ng droga na PHP520,000.
Dagdag pa ni Hidalgo, dakong alas-3 ng madaling araw noong Huwebes nang magsagawa ng buy bust ang Guiguinto Municipal Police sa Barangay Tuktukan na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Joshua,” 21.
Samantala, inaresto ng mga pulis ng Bocaue sina alyas “DJ,” 22, at alyas “Sunshine,” 20, sa isang buy-bust sa kahabaan ng McArthur Highway, Barangay Lolomboy. Nasamsam sa kanilang possession ang 2,250 gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng PHP270,000. RNT