MANILA, Philippines – Tumataginting na P124 milyon at 90% porsiyento nang natapos ang itinuturing na magiging “white elephant” na proyekto ng Presidential Communication Office (PCO) na pinondohan sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Bukidnon.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, na nakipagkontrata ang PCO sa Department of Public Works and Highways *DPWH) upang magtayo ng Government Communication Academy sa Bukidnon na may paunang P45.7 milyon na pondo.
Binatikos ito ni Gatchalian dahil hindi ito napapakinabangan simula nang itayo ang proyekto noong 2019, panahon ni dating administrasyon dahil hindi naman sakop ng pangunahing mandato ng PCO.
Batay sa 2024 Commission on Audit (COA) Report, noong 2019 ay kinontrata ng PCO ang DPWH para sa pagtatayo ng Phase II ng Government Communication Academy sa Bukidnon na nagkakahalaga ng ₱45.7 milyon.
Sa 2020-2023 na ulat ng COA, lumabas ang kahalintulad na proyekto ngunit may ibang halaga – ₱79 milyon. Wala nang nakalaang pondo para dito sa susunod na taon dahil ayon sa PCO napondohan na raw ang natitirang 10% ng konstruksiyon.
“Bakit may communications office ang PCO sa Bukidnon?” tanong ni Gatchalian.
Ipinaliwanag ng PCO na ang proyekto, na sinimulan ng nakaraang administrasyon na inilaan bilang training center ng mga communication office sa ilalim ng Malacañang at kalakip nitong ahensya.
“Gumastos na tayo ng ₱124 milyon at 90% na ang progreso ng konstruksyon. Kapag hindi pa ito natapos, magiging white elephant na ito,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Finance.
Kapag natapos na ang proyekto, plano ng PCO na i-donate ang pasilidad sa Northern Bukidnon State College. Ernie Reyes