ZAMBOANGA CITY — Tinatayang nagkakahalaga ng P14.6 milyon ang mga smuggled na sigarilyo at iligal na droga na nasamsam ng mga awtoridad mula sa tatlong suspek sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod, ayon sa ulat ng Police Regional Office 9 nitong Huwebes.
Unang naaresto si alyas “Tabong,” 38, sa Barangay Malagutay habang minamaneho ang isang panel truck na may lamang 237 master cases at 49 reams ng smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P13,637,410.
Nasa kustodiya si Tabong sa Police Station 8, habang ang mga nasamsam na sigarilyo ay isinuko sa Bureau of Customs para sa wastong disposisyon.
Sa isa pang anti-drug operation noong Miyerkules ng hapon sa Barangay Kasanyangan, naaresto sina alyas “Mar,” 39, at alyas “Rakib,” 43, kapwa construction workers.
Nakuha mula sa kanila ang 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000, buy-bust money, isang cal. .38 revolver, at mga ID.
Ayon kay Zamboanga City Police Office Director Col. Fidel Fortaleza Jr., ito ang pangalawang pinakamalaking drug haul sa Zamboanga Peninsula ngayong buwan, kasunod ng P7.1 milyong haul na naitala noong Mayo 7 sa Tukuran, Zamboanga del Sur. Mary Anne Sapico