MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng higit P15.609 milyon na emergency cash transfer (ECT) para sa mga residente sa Pangasinan at La Union na nasira ang kanilang mga tahanan dahil sa Super Typhoon Uwan nitong nakaraang buwan.
Sa Binmaley, Pangasinan, 2,613 residente na may bahagyang nasirang bahay ang nakatanggap ng P13.757 milyon, habang 243 benepisyaryo sa Barangay Agustin, San Fernando, La Union ay nakatanggap ng P1.279 milyon, at 109 residente sa Barangay Poro ay nakatanggap ng P573,885.
Hiwalay ito sa mga family food packs (FFPs) na ipinamamahagi ng DSWD Field Office 1.
Bumisita si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga apektadong lugar upang mangasiwa sa pamamahagi ng ayuda at matukoy ang pangangailangan sa pagbawi.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, ang cash aid ay paunang tulong para makapagsimulang muli ang mga pamilya, na may P5,000 para sa bahagyang nasirang bahay at P10,000 para sa ganap na nasira.
Magkakaroon din ng karagdagang tulong mula sa iba pang ahensya ng gobyerno, kasabay ng ECT, FFPs, ready-to-eat food, at non-food items.
Patuloy ang DSWD sa pagmamanman sa mga lubhang apektadong komunidad at inuuna ang mga baybaying lugar, habang bukas pa rin ang aplikasyon para sa ECT.
Naapektuhan ng bagyong Uwan ang higit 3.5 milyong tao sa bansa, na nagdulot ng 27 pagkamatay at 36 na sugatan. Santi Celario