MANILA, Philippines – Nakopo ng hindi pinangalanang mga mambabatas sa Senado at Mababang Kapulungan ang mahigit P15 bilyong halaga ng pork barrel sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na mahigpit na ipinagbabawal ang ganitong sistema sa pambansang badyet.
Ibinulgar ito ni Senador Panfilo Lacson, na maraming mambabatas ang nakatanggap ng “malalaking halaga” ng pork barrel—umaabot sa P15 bilyon ang isang kongresista na may sakop sa maliit na bayan na may dalampasigan.
Sa isang interview, sinabi ni Lacson na mayroon namang senador na nakatanggap ng P5 bilyon hanggang P10 bilyon na pork barrel sa kasalukuyang pambansang badyet.
Aniya, bago ideklarang unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng Supreme Court, umaabot lamang sa P200 milyon ang pork ng senador at P70 milyon naman sa kongresista.
Kabilang sina Senador Jinggoy Estrada at dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang nakasuhan sa pork barrel noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Absuwelto si Estrada sa kasong pandarambong, at pinagpapasauli naman kay Revilla ang mahigit P124 milyon, na hindi pa malinaw hanggang ngayon kung naisagawa ang kautusan ng korte.
“Pumapalo ngayon na mayroong senador na may P5 billion, mayroon pang P10 billion, may congressman na mayroong P15 billion,” aniya.
Binanggit din ng senador na nagawa ito sa gitna ng matinding diskusyon sa pagsusuri ng 2025 General Appropriations Act (GAA), na tila pinasalimuot upang maisingit ang pork barrel.
“We saw an item where a very small barangay in a small town received an appropriation of P1.9 billion. One small town got an appropriation of P10 billion. I will question if they can absorb that amount. Imagine, a P10-billion appropriation for a small town with 10,000 residents. It is an inequitable distribution of the budget,” ayon kay Lacson.
“I will seek clarification on this. What happened to the P10 billion appropriated to the small town? We saw that it is near a riverbank, but is it the only town with a riverbank? These appropriations are for flood control,” giit niya.
Sinabi ni Lacson na kanyang sisimulan ang 20th Congress sa pamamagitan ng “up and running” na paghihimay sa ilang items sa badyet mula 2023, 2024, at 2025.
“If we don’t shape up in preparing the budget, we may end up having to borrow P6 billion a day in one to two years, and P10 billion a day after five years. Where will we end up then?” aniya. – Ernie Reyes