Home METRO P18.5-M ‘tobats’ nasabat sa 3 operasyon; 5 arestado

P18.5-M ‘tobats’ nasabat sa 3 operasyon; 5 arestado

1
0
(Image representation only)

MANILA, Philippines – Umabot sa P18.5 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu na nasabat ng pulisya habang limang suspek ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-drug operations sa Pampanga, Batangas at Iloilo, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sinabi ng PNP na kabuuang 2.7 kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga operasyong isinagawa noong Setyembre 2.

Pinakamalaki ang nasabat sa UPS Cargo Area sa Clark Freeport Zone sa Mabalacat City, Pampanga, kung saan naharang ang isang inbound parcel na naglalaman umano ng 1,573 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P10.69 milyon.

Sa Barangay Balagtas, Batangas City, isang suspek naman ang naaresto sa buy-bust operation kung saan nasamsam ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.

Apat pang suspek ang naaresto sa Barangay Igcocong, La Paz, Iloilo City matapos makumpiska ang nasa 152 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P1.03 milyon ang halaga.

May isa pang indibidwal na tinukoy kaugnay ng Iloilo operation na nananatiling at large, ayon sa PNP.

Isinailalim na sa laboratory examination at kaukulang disposisyon ang mga nakumpiskang substance, habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa mga naarestong suspek.

Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang intelligence-driven operations laban sa illegal drug trade habang tinitiyak na naaayon sa batas ang mga operasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here