PASIG, Philippines – Huli ang dalawang lalaking suspek dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Pasig City Police Station, sa pangunguna ni PCOL Hendrix B Mangaldan, Chief of Police.
Ayon kay PCOL Mangaldan hepe ng Pasig City Police, sa inisyal na imbestigasyon alas-9:18 ng umaga Agosto 26, 2025, habang nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Sub-Station 5 sa Bolante 1 St, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City. Nakatanggap sila ng tawag sa radyo mula sa Station Tactical Operation Center mula sa isang concerned citizen sa pamamagitan ng emergency hotline 911, na nagpapahiwatig na ang mga indibidwal ay nagre-repack at nagtitinda ng ilegal na droga sa isang tirahan sa Bagong Pag-asa, Bolante 1 St.
Sa tip na ito, mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Sub-Station 5, kasama ang Tactical Motorcycle Riding Unit, at naaktuhan ang dalawang lalaking suspek na sangkot sa aktibidad ng ilegal na droga.
Kinilala ang mga suspek na sina “Jay-R,” 20-anyos na construction worker, at “Raymond,” 20-anyos na porter, kapwa residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Nakumpiska ang anim na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu na humigit-kumulang 27 gramo ang bigat, na may tinatayang street value na ₱183,600.00, gayundin ang ₱450.00 sa iba’t ibang denominasyon.
Agad isinagawa ang pagmamarka at pag-imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa lugar ng pag-aresto sa harap ng isang opisyal ng Barangay at isang kinatawan mula sa media. (Maritess Pumaras)