Home NATIONWIDE P200 wage hike bill, posibleng mabasura lang – Villanueva

P200 wage hike bill, posibleng mabasura lang – Villanueva

MANILA, Philippines – Malaki ang hinala ni Senador Joel Villanueva na baka ibasura lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang inaprubahang P200 wage hike bill ng Mababang Kapulungan kapag pinagtibay ito ng Senado.

Kamakailan, inaprubahan sa Kamara ang P200 pagtaas sa daily minimum wage ng mga manggagawa, na maaaring i-veto ni Marcos.

Para kay Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, mas kumbinyente at praktikal ang panukala ng Senado.

“Parang ang tingin natin ‘pag nangyari ‘yan, diretsong veto. ‘Yan ang kailangan din nating pagtuunan ng pansin kung ia-adopt natin ‘yan, kasi baka ‘yan din ‘yung dahilan ng iba na nandun sa Kamara—para masiguro na ma-veto ‘yan,” aniya.

“That’s another way of looking at it. For us, we still believe [that the] P100 is the most convenient and practical. But ‘yung P200, medyo—as much as we wanted to—we don’t know,” dagdag pa ng senador.

Nitong Miyerkoles, inaprubahan ng Kamara sa plenaryo ang panukala na magbibigay ng P200 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa ikatlo at huling pagbasa.

Ayon kay Villanueva, nais niyang malaman kung ano ang naging basehan ng Kamara sa panukalang P200 wage increase.

“Of course, that would be interesting… Kung sabihin ng Malacañang na it’s okay for us, na napag-aralan rin nila, mas malaki ‘yung resources nila to study all these measures, so why not. But at the same time, I’m also thinking, baka way din ‘yan para immediately shutdown ‘yung P100 dahil ibe-veto rin ‘yung P200,” aniya.

Hanggang Hunyo 13 na lamang ang sesyon ng Kongreso kaya’t kailangang ratipikahan ang panukala sa reconciled version upang malagdaan ng Pangulo. Kung hindi ito magawa, kailangan muling ihain ang panukala sa susunod na Kongreso. Ernie Reyes