Home METRO P21M ismagel na sigarilyo nasabat sa Balut Island

P21M ismagel na sigarilyo nasabat sa Balut Island

MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang motorbanca na may sakay na P21 milyong halaga ng ismagel na sigarilyo.

Sa pahayag nitong Martes, Mayo 28, sinabi ng Philippine Navy (PN) na namataan ng isa sa patrol ships nito na BRP Dioscoro Papa (PC-381) ang motorbanca na may markang “Vikings” sa layong 10 nautical miles ng Balut Island, Davao Occidental.

Pinahinto ng barko ang motorbanca at sa pagsisiyasat, nadiskubre ng Navy officers ang 422 master cases ng sigarilyo na ibibiyahe patungong Digos City, Davao del Sur.

Hinuli ang pitong crew member ng motorbanca, kasama ang mga nakumpiskang sigarilyo at motorbanca. Itinurn-over ito sa Bureau of Customs Sub-Port ng General Santos City.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act. RNT/JGC