Home NATIONWIDE P26-M na allowance ng MPD, ibabalik ni Yorme

P26-M na allowance ng MPD, ibabalik ni Yorme

NAGTUNGO si Manila Mayor Isko Moreno sa Manila Police District Headquarters upang kausapin ang mga kapulisan na ingatan ang sarili at sugpuin ang Tongges, kung saan ay ipinangako naman ni Mayor Isko na gagawa ng paraan upang makalikom ng pondo upang mabayaran ang naipong kakulangan ng city allowance ng pulis Maynila sa loob ng walong buwan na umabot ng P26 million. Crismon Heramis

Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) na matatanggap pa rin nila ang kanilang allowance na hindi naibigay ng dating administrasyong Lacuna.

Sa panayam kay Mayor Domagoso sa Manila Police District 1st Command Conference at Talk to Men, sinabi ng alkalde na aabot sa P26 milyon ang allowances ng mga pulis.

Kasama rin ng alkalde ang kanyang anak at Manila First District Councilor Joaquin Domagoso sa nasabing aktibidad.

Sinabi ni Domagoso na gagawan nila ng paraan, kasama si Manila Vice Mayor Chi Atienza at iba pang opisyal ng Manila LGU, upang maibigay sa mga kapulisan ng MPD ang kanilang allowance.

“Gagawan ko ng paraan ang utang sa inyo ng pamahalaang lungsod,” sabi ng alkalde.

Kasabay nito, nakiusap ang alkalde sa mga pulis na magpokus muna sa dalawang bagay—ito ay ang linisin ang Maynila sa kadugyutan at magkaroon ng kapanatagan sa pamumuhay sa lungsod ng Maynila.

Sinabi ni Domagoso na napaka-specific ng tagubilin ng pamahalaang Maynila kung saan hahanapin ang mga kriminal saan man sila nagtago.

Nanawagan din ang alkalde sa mga biktima sa Road 10—mga truck driver, biyahero, at mga pribadong motorista—na ipinag-utos na niya ang “full force” sa MPD sa pamumuno ni MPD Director P/Brig. Gen. Benigno Guzman upang hanapin ang mga taong ito na nakuhanan ng video.

“Sa mga nabiktima, maaaring hindi kayo kaagad nabigyan ng hustisya, pero sa maliit naming kaparaanan ng pamahalaang lungsod ng Maynila at ng Manila Police District, at sa City Council sa pamamagitan ng liderato ni Vice Mayor Chi Atienza, hahanapin po namin sila ngayon,” babala pa ng Manila Mayor.

Samantala, sinabi ni Domagoso na agad na ring ipapatupad ang citywide curfew sa Maynila.

Makakatulong aniya sa pulisya ng Maynila ang mga social worker sa ilalim ng liderato ni Director Jay Dela Fuente. Jocelyn Tabangcura-Domenden