Home METRO P26M vape nakumpiska sa tindahan ng milk tea

P26M vape nakumpiska sa tindahan ng milk tea

MANILA, Philippines – Nilusob ng mga awtoridad ang isang vape shop na nagpapanggap na isang tindahan ng milk tea malapit sa isang paaralan sa Baclaran, Paranaque City.

Ayon sa mga awtoridad, nilabag ng naturang tindahan ang iba’t ibang batas, katulad ng pag-ooperate na walang business permit at pagbibenta ng ipinagbabawal na flavored vapes.

Kinumpiska ng Department of Trade and Industry- Fair Trade Enforcement Bureau at Philippine National Police Southern Police District Special Operation Unit ang daan-daang kahon ng vape at paraphernalia na nagkakahalaga ng nasa P26 milyon.

Dayuhan umano ang may-ari nito, na mahaharap sa kasong paglabag sa Vaporized Nicotine and Non-nicotine Products Regulations Act.

“Unang-una yung paggamit ng flavor descriptors that unduly appeal to minors. Nakita natin examples cappuccino, grape, meron pa dyan mango, watermelon. Pangalawa yung pag-gamit ng lanyards na nag appeal din sa minors,” pahayag ni DTI Assistant Secretary Amanda Nograles.

Sa ilalim ng Republic Act 11900 o Vaporized Nicotine and Non-nicotine Products Regulation Act, ipinagbabawal ang pagtitinda ng vape sa loob ng 100 metro malapit sa paaralan.

Sa kaso ng milk tea shop na ito, ilang hakbang lamang ang pwesto nito sa Baclaran Elementary School.

Binigyan na ng notice of violation at pinagpapaliwanag na nito ang may-ari ng milk tea shop habang pinag-aaralan ng DTI ang posibleng isampang kaso rito.

“Kung sa pagtingin ng prosecutor, may probable cause magfa-file sya ng pormal kaso na ipapasa nya sa adjudication division,” ani DTI-FTEB Director Fhillip Sawali. RNT/JGC