MANILA, Philippines – Aabot sa P278 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa Manila International Container Port (MICP) matapos itong maitago sa top rail ng container vans, ayon sa Bureau of Customs (BOC) noong Martes.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, 131 packages ng shabu mula Afghanistan ang nakumpiska na itinagong parang “marble.” Ito ang kauna-unahang beses na nahuli ang droga na nakatago sa bakal ng container sa halip na sa mga kahon. “Normally, they were inside boxes, and these were declared as marble… There were marbles but the shabu was concealed inside the top rail,” ani Nepomuceno.
Ang BOC ay nakatanggap ng intelligence report mula sa PDEA noong Disyembre 2, 2025. Dahil hindi na-claim ang shipment sa loob ng 15 araw, idineklara itong abandoned. Isang x-ray scan noong Enero 8, 2026 ang nakumpirma ang ilegal na droga.
Sinabi naman ni PDEA Director General Maj. Gen. Isagani Nerez na iniimbestigahan nila ang mga responsable sa shipment at kanilang lokal at foreign contacts.
Ayon kay Nepomuceno, paiigtingin ng BOC ang scanning capabilities at koordinasyon sa ibang ahensya tulad ng PDEA, PNP, NBI, at CIDG. Nakatakda rin nilang i-upgrade ang x-ray machines simula pa noong Nobyembre 2025. RNT/MND