Home NATIONWIDE P29-M Rolls-Royce, naibuslo ng BOC sa kaban ng bayan

P29-M Rolls-Royce, naibuslo ng BOC sa kaban ng bayan

194
0

MANILA, Philippines – Nakapagpasok ng halos ₱29 milyon sa kaban ng bayan ang Bureau of Customs (BOC) matapos maibenta sa isinagawang public auction ang isang nakumpiskang 2023 Rolls-Royce Cullinan noong Miyerkules, Pebrero 11, 2026.

Ayon sa BOC, nabili ng Igorot Stone Kingdom Inc. ang naturang luxury vehicle sa halagang ₱29.026 milyon. Sinabi ng kinatawan ng kumpanya na nakiisa sila sa bidding bilang suporta sa pagpapalakas ng kita ng pamahalaan. Umabot naman sa kabuuang ₱29,041,150 ang nalikom na pondo kabilang ang registration fees ng mga sumaling bidder.

Sa ginanap na subasta, iginiit ni Deputy Commissioner Atty. Agaton Teodoro O. Uvero ang mahigpit na pagpapatupad ng batas ng ahensya. Binigyang-diin niya na sinisiguro ng BOC ang maayos na pangangasiwa sa mga nakukumpiskang ari-arian at ang pagsasagawa ng mga operasyon na may buong transparency at pananagutan.

Ani Uvero, ang ganitong hakbang ay patunay na napapakinabangan ng publiko ang resulta ng law enforcement. Aniya, ang mga paglabag sa batas ay naipapalit sa kapakinabangan ng mamamayan at nagiging karagdagang pondo para sa nation-building.

Sa tala ng BOC, kabilang ang pinakahuling bentahan at mga naunang subasta ng mga sasakyang may kaugnayan sa Discaya case, umabot na sa ₱76,803,560 ang kabuuang kita ng ahensya. Ang lahat ng nalikom na pondo ay direktang ipinapasok sa National Treasury upang magamit sa mga programa at serbisyong pampubliko ng pamahalaan.

Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patuloy na inuuna ng BOC ang pagbebenta sa pamamagitan ng public auction ng mga nakumpiskang sasakyan sa halip na tuluyang sirain ang mga ito. Layunin nitong mapalaki ang kita ng gobyerno bilang suporta sa mga programang pang-ekonomiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Inaasahan namang iaanunsyo ng BOC sa mga susunod na araw ang iskedyul ng panibagong public auction para sa iba pang nakumpiskang luxury vehicles at ari-arian bilang bahagi ng patuloy nitong transparency program. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here