Home METRO P2M shabu na nakabalot sa PH flag nadiskubre sa NAIA

P2M shabu na nakabalot sa PH flag nadiskubre sa NAIA

MANILA, Philippines- Natuklasan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang higit P2 milyon halaga ng mga ilegal na droga na nakabalot sa mga parsela na natatakpan ng watawat ng Pilipinas.

Ayon sa BOC, una nang naharang ng mga tauhan ng NAIA, BOC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang isang parsela na idineklarang naglalaman ng “documents-general business”.

Nabatid na ang parsela ay naglalaman ng 20 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu o methamphetamine hydrochloride, at ipinadala mula 296 Arandia St. Tunasan, Muntinlupa bilang consignee kay Alagua Amado Jr ng Arcadia 79 Rome, Italy.

Ang mga kontrabando ay ipinalamanan sa loob ng isang makapal na logbook.

Ang isa pang parsela ay dapat na ipadadala sa Palau, at ipinadala mula sa Molino 3,0 Bacoor, Cavite, ang nagsilbi naman na consignee ang isang Cui Lin Bo ng Koror Palau, Fuji B Restaurant.

Idineklara ito bilang “kitchen wall stickers”, at naglalaman ng tinatayang 207.9 gramo ng shabu.

Ang parsela ay binalot ng watawat ng Pilipinas, gayundin ng mga sticker at jacket na may mga pambansang kulay.

Itinurn-over ang mga nasabat ng ilegal na droga sa NAIA PDEA-IADITG para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. JAY Reyes