Home METRO P3.4M shabu buking sa buy-bust

P3.4M shabu buking sa buy-bust

LUCENA CITY- Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents at iba pang law enforcers nitong Miyerkules ang umano’y big-time trafficker at nasamsam ang shabu (crystal meth) na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa Batangas City.

Sinabi ng PDEA–Region 4A sa ulat nitong Huwebes na nadakip ng PDEA agents, Philippine Coast Guard-K9 personnel, Philippine Ports Authority security unit, at lokal na kapulisan si Ron Ron Eugenio Reyes, 24, sa isang buy-bust operation bandang ala-1:15 ng hapon sa Batangas City port sa Barangay Sta. Clara.

Sa nasabing operasyon, nakuhanan umano ang suspek ng 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,400,000.

Iniimbestigahan ng PDEA ang pinagmulan ng ilegal na droga.

Tinukoy ang suspek, residente ng Roxas, Oriental Mindoro, bilang isang “high-value” target sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga. Kakasuhan siya ng paglabag sa anti-drug laws.

Noong Hulyo 16, nadamba rin ng PDEA-Region 4A operatives at mga pulis ang dalawang big-time traffickers sa Las Piñas City. Noong Hulyo 13 naman, nalambat ng parehong PDEA operatives ang dalawang high-value targets sa Pasay City.

Nakumpiska sa mga operasyon ang P6,800,000 halaga ng crystal meth. RNT/SA