Home METRO P340-K bato nasamsam sa Cebu, 2 arestado

P340-K bato nasamsam sa Cebu, 2 arestado

214
0

CEBU CITY, Philippines – Umabot sa P340,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa dalawang high-value drug suspect sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Quiot, Cebu City, noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek bilang sina alias “Stelito,” 35, at ang kanyang kasamahan na si alias “Glenn,” 45, kapwa residente ng naturang barangay.

Ayon sa PDEA-7 Regional Special Enforcement Team, katuwang ang Labangon Police Station, ikinasa ang operasyon sa Sitio Ubca 2, bandang 10:40 p.m, Nobyembre 13, 2025.

Nasamsam mula sa kanila ang isang pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 50 gramo, na nagkakahalaga ng P340,000 sa street value, pati na rin ang buy-bust money.

Isinailalim ang mga nakumpiskang ebidensya sa dokumentasyon at pagsusuri sa PDEA-7 Regional Office Laboratory.

Sinabi ng PDEA, ang operasyon ay bunga ng impormasyong ibinigay ng isang confidential informant, dahilan para magsagawa ng case buildup sa loob ng halos isang linggo.

Nabantayan din umano na lingguhan ang bentahan ng tinatayang 5 gramo ng ilegal na droga ng grupo.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek at haharap sa kasong may kaugnayan sa pagbebenta ng dangerous drugs na may parusang habambuhay na pagkakabilanggo at multang P500,000 hanggang P10 milyon sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here