CAVITE, Philippines – Nasabat ng mga pulis ang humigit-kumulang 50.82 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P345,576 sa isinagawang buy-bust operation sa Congressional Road, Barangay San Miguel 2, Dasmariñas City, Cavite.
Naaresto ang dalawang suspek na kinilala lamang sa mga alyas na Junaid at Najib, na kapwa nasa listahan ng high-value individuals (HVI).
Isinagawa ng mga operatiba ng Dasmariñas Component City Police Station ang operasyon dakong 3:55 ng madaling araw, na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa. Bukod sa hinihinalang shabu, nakumpiska rin ang buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26, Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Nasa kustodiya na sila ng Dasmariñas Police Station. MARGIE BAUTISTA