MINDANAO – IPINALABAS na ng Department of Budget and Management (DBM) ang inisyal na P362 milyong piso para suportahan ang rehabilitation at reconstruction ng mga pampublikong pasilidad na nasira dahil sa magnitude 7.8 earthquake na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong Hunyo 8.
Ang pagpapalabas ng pondo ay nakaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong komunidad sa Mindanao.
Sa isang kalatas, sinabi ng DBM na ang pondo ay huhugutin mula sa Local Government Support Fund (LGSF), at direktang ida-download sa mga apektadong local government units upang pabilisin ang recovery efforts at maibalik ang mahahalagang imprastraktura sa hardest-hit areas, partikular sa Sarangani, General Santos City, at South Cotabato.
Ipinalabas ng DBM ang P100 milyong piso sa city government ng General Santos noong Hunyo 9 para sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng isang multipurpose building sa Dadiangas East village.
May panibagong P140 milyong piso ang ipinalabas noong Hunyo 15 sa provincial government ng Sarangani para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng earthquake-damaged infrastructure.
Sinabi ng DBM na ang inilaang budget ay gagamitin para sa rehabilitasyon ng mga multipurpose building, isang lokal na lansangan, tulay sa munisipalidad ng Alabel, at maging sa restorasyon o pagpapanumbalik ng hospital building at iba pang lokal na lansangan sa bayan ng Glan.
Ipinalabas din ng DBM ang P122 milyong piso sa provincial government ng South Cotabato para pondohan ang konkretong lokal na lansangan na magkokonekta sa Acmonan at Kablon villages sa Tupi, isang mahalagang infrastructure project na inaasahang magpapahusay sa paggalaw at susuporta sa economic recovery ng mga apektadong komunidad.
Sa kabilang dako, sinabi ni DBM Secretary Kim Robert de Leon na ang P362 milyong piso ay bumubuo ng bahagi ng mas malawak na disaster response at recovery financing strategy ng gobyerno.
Ang nasabing pagpapalabas ay sumasalamin sa commitment ng administrasyon na tiyakin na ang tulong ng gobyerno ay umaabot sa disaster-hit communities nang walang pagkaantala.
“Hindi po dapat naghihintay ang mga mamamayan sa oras ng sakuna. Malinaw po ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.—dapat maramdaman agad ng mga naapektuhang komunidad ang tulong ng pamahalaan,” ayon kay de Leon.
Aniya pa, ang karagdagang disaster-response resources ay nananatiling available sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund at Quick Response Fund (QRF) para suportahan ang nagpapatuloy na relief, rehabilitation, at reconstruction efforts sa buong bansa. Kris Jose