Home SPORTS P3M premyo igagawad kay Yulo ng Kongreso

P3M premyo igagawad kay Yulo ng Kongreso

MANILA, Philippines – Maggagawad ng P3 milyon ang House of Representatives  kay Carlos Yulo para sa pagkapanalo nito ng gintong medalya sa 2024 Paris Olympics noong Sabado, ayon kay  Representative Elizaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations.

“Bilang pagkilala sa kanyang makasaysayang tagumpay, ang House of Repesenatives ay gagawaran si Carlos Yulo ng P3,000,000. Ang gantimpala na ito ay sumasalamin sa aming suporta sa kanyang patuloy na tagumpay at aming pangako sa pagpapaunlad ng talentong Pilipino sa internasyonal na yugto,” sabi ni Co sa isang pahayag.

Sinabi ni Co na ang “dedikasyon at pagsusumikap ni Yulo ay nagdala ng napakalaking pagmamalaki sa ating bansa.”

“Ipinakita ni Carlos na with determination and resilience, Filipinos can excel and achieve greatness in any field. Napatunayan ni Carlos na kayang makipagsabayan ng mga Pilipino sa buong mundo,” dagdag pa nito.

“Siya ay isang inspirasyon sa lahat ng kabataan at sa mga nangangarap. Siya ang patunay na kapag may sipag at tiyaga, walang imposible,” ani Co habang binabati ang Filipino gymnast.

Si Yulo, 24, ang naging kauna-unahang Filipino gymnast na umabot sa podium sa anumang edisyon ng Summer Games, na nasungkit ang gintong medalya sa men’s floor exercise sa 2024 Paris Olympics noong Sabado sa Bercy Arena.

Siya rin ang naging unang medalist sa kampanya ng Pilipinas sa Paris, at ang pangalawang gold medalist mula sa bansa kasunod ng weightlifter na si Hidilyn Diaz na nanalo ng gintong medalya para sa weightlifting sa 2020 Tokyo Olympics.

Sinabi naman ni Yulo na “I dedicate to sa mga Filipino na sumuporta sa akin.”

Si Yulo ay magkakaroon ng panibagong shot sa Olympic medal nitongLinggo kapag sumabak siya sa vault finals.

Si Yulo ay makakatanggap ng cash incentive na P10 milyon ayon sa mandato ng Republic Act 10699 na nilagdaan noong 2015.

Tatanggap din siya ng Olympic Gold Medal of Valor mula sa Philippine Sports Commission.

Nangako rin ang Philippine Olympic Committee na bibigyan ng house and lot ang mga gold medalists, tulad ng ginawa nila sa apat na medalists noong Tokyo Olympics tatlong taon na ang nakararaan.

Ayon sa mga ulat, nangako rin ang isang property development company na magbibigay ng condominium unit sa sinumang mananalo ng gintong medalya.JC