MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang aabot sa P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu at ismagel na sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P1.24 milyon.
Ang kabuuang P4.6 milyong halaga ng mga kontrabando ay narekober sa magkakahiwalay na operasyon sa Tawi-Tawi at Maguindanao del Sur sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Oktubre 16 at 17.
Ayon kay Brig. Gen. Christopher Abecia, regional director ng Police Regional Office in the Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), nakumpiska ng joint team mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bongao Municipal Police Station at 4th Marine Rifle Battalion ang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa Barangay Poblacion, Bongao, Tawi-Tawi.
Sa report mula sa Tawi-Tawi, sinabi ni Abecia na natunugan ng mga suspek na sila ay nakikipagtransaksyon sa mga pulis kung kaya’t mabilis na tumakas.
Nagkaroon ng palitan ng putok ng baril ngunit nagawa pa ring makatakas ng mga suspek.
Samantala, narekober ng mga operatiba mula sa Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station at Regional Intelligence and Anti-Illegal Drugs Task Group–Regional Intelligence Division ang 29 master cases, o 1,450 reams, ng Cannon Menthol cigarettes na nagkakahalaga ng P1,240,736 sa Sambulawan Street sa Barangay Dapiawan, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Sabado, Oktubre 17.
Ani Abecia, nakatanggap ang Datu Saudi Ampatuan police station ng impormasyon tungkol sa mga sigarilyo na itinago sa gilid ng kalsada.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa ikaaaresto ng mga suspek na sangkot sa dalawang operasyon. RNT/JGC