MANILA, Philippines – NASA mahigit P4.8 milyong halaga ng mga ilegal na paputok at mga boga na nakumpiska na isinagawang operasyon sa buong Calabarzon nitong Lunes ng umaga, Disyembre 29 ang sinira sa pamamagitan ng paglubog sa mga drum na puno ng tubig at pagsagasa gamit ang PNP Truck sa loob ng PNP Headquarters sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna.
Pinangunahan ni Regional Director PBGen Paul Kenneth T Lucas kasama ang 5 Provincial Director ng Calabarzon 4A na sina, Cavite Provincial Director PCol Ariel Red, PD PCol Jonar Yupio ng Laguna, PD PCol Geovanni Sibalo ng Batangas, PD PCol Feloteo Gonzalgo ng Rizal at PD PCol Romulo Albacea ng Quezon.
Ang mga nakumpiska ay kinabibilangan ng mga boga, kwitis, Sinturon ni Hudas, sawa, dart bombs, dynamite, piccolo, five star, great bawang, pla-pla, super king-kong, at iba pang ipinagbabawal na paputok na may kabuuang halaga na P4.8 milyon.
Ayon kay Gen. Lucas, mas bumaba ngayong taon ang mga nakumpiskang paputok kumpara noong taong 2024.
Limang insidente lamang din umano na may kinalaman sa paputok ang naitala kumpara noong nakaraang taon na umabot sa 24 ang bilang.
Sa isinagawang Press Conference, ipinrisinta ni Gen Lucas ang mga nakumpiska paputok sa programang “Ligtas Paskuhan 2025” na kampanya kontra ilegal na mga pagbebenta at mga pagmanufacture ng paputok.
Sinimulan ang operasyon noong Disyembre 16 hanggang sa kasalukuyan.
Umabot sa 238 ang operasyon ng pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng 12 suspek.
Pinuri naman ni PB Gen Lucas ang kaniyang mga tauhan sa mga isinagawang police operations ng mga ito na halos wala nang tulugan mapanatili lang ang kaligtasan ng mga mamamayan.
“Hinihikayat ko ang publiko na iwasan ang pagbili at paggamit ng mga ilegal na firecracker at pyrotechnics. Gamitin natin ang mga fireworks lamang sa mga itinalagang lugar at mag-report ng anumang impormasyon na makakatulong na matigil ang ilegal na pagkalangal ng mga mapanganib na bagay na ito. Sama-sama nating panatilihin ang kaligtasan ng ating komunidad! Kung may impormasyon kayo, huwag mag-atubili na i-report sa mga awtoridad. Gawing masaya at ligtas ang ating pagdiriwang,” ayon Kay PBGen Lucas. MARGIE BAUTISTA