MANILA, Philippines – Apat na hinihinalang high-value drug personalities ang naaresto matapos makasamsam ang mga awtoridad ng 67 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱455.6 milyon sa Zamboanga City.
Batay sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency-Zamboanga Peninsula (PDEA-9), isinagawa ang buy-bust operation dakong alas-4:52 ng hapon noong Miyerkoles, Nobyembre 11, sa Arcillas Street, Barangay Mercedes.
Unang nakumpiska ang dalawang kilo ng hinihinalang shabu matapos ang transaksyon sa isang undercover agent. Narekober naman ang karagdagang 65 kilo sa sumunod na paghahalughog sa lugar.
Kinilala ng PDEA ang mga suspek sa mga alyas na Shermahal, 42; Sabirin, 45; Jul-Asbi, 54; at Abu-darda, 33, na pawang residente ng Zamboanga City.
Bukod sa droga, nasamsam din ang digital weighing scale, sasakyan, dalawang cellphone, apat na identification card at isang money transfer receipt.
Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi dapat matapos sa pagkakaaresto sa apat na suspek ang operasyon.
Inatasan niya ang mga imbestigador na tukuyin ang pinagmulan ng droga, mga financier, distributor at iba pang posibleng sangkot sa ilegal na operasyon.
Makikipagtulungan din ang PNP sa PDEA at iba pang law enforcement agencies upang matunton ang posibleng sindikato sa likod ng nasamsam na droga.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng pagbebenta at pagmamay-ari ng ilegal na droga.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan at nilalayong destinasyon ng nasamsam na kontrabando. Mary Anne Sapico